Martes, Hunyo 24, 2014

Buhay Iskwater

BUHAY ISKWATER

 



 Buhay Iskwater



Buhay iskwater, magulo, maingay, delikado. Ito ang lugar na ginagalawan ko, hindi mo mapagkatiwalaan ang mga tao. Natural na ang pakikipag-away sa lugar na ito, natural na rin ang pagdanak ng dugo. Hindi mo kailangan magpakita ng yaman dito kundi, ikaw ang mapapaslang.
Laging sinasabi sa akin ng aking Mama Inday, pag may nagtanong sa akin, lagi ko raw isambit na “Wala akong alam diyan.” para hindi kami mapahamak. Kailangan ko raw manahimik para manatiling buhay.
Walang trabaho ang aking Papa Bordado ngunit minsa’y nakikita ko siyang nagbibilang ng mga libu-libong pera, minsan naman ay daan-daan. Kinatatakutan ang aking ama, hindi ko alam kung bakit. Ang aking Kuya Arnel ay hindi nakapag-aral, grade 2 lamang ang natapos ngunit ang pinagtatataka ko ay bakit mas madami pa ang kanyang pera kaysa sa mga propesyonal? Saan kaya nila nakukuha ang mga perang ito? Sabi ni Mama Inday mas mabuti na daw na wala akong alam.
Tinawag ako ng aking mga kalaro na maglaro ng patintero.
“Miguel, halina’t mag-laro ng patintero!” Pagkarinig ko sa aking pangalan ay ako ay agad na lumabas.
Naglaro kami ng patintero at napakasaya namin, parang ito ang unang beses na naglaro kami. Habang naglalaro kami, marami ang dumadaan, may mga sasakyan at mga tao, sa aming gilid ay si Manang Flor na nag-iinit sa inis sa amin dahil baka masanggi namin ang kanyang panindang mangga.
Nang mapagod kami sa aming paglalaro at napatambay kami sa harap ng tindahan at dumating ang grupo ni Maki.
“Si Miguel oh! Ang anak ng magnanakaw!” Hirit ni Maki habang inaasar ako kasama ang mga kalaro niya.
“Hayaan mo na yan.” Sabi ni Randy, “Adik nga ang tatay niya eh. Nung nag-punta kami sa bahay niya, nakakakita kami ng shabu sa hapag-kainan nila.” Sabi niya.
Hindi na lang ako pumatol, natutuhan ko sa eskwelahan na ang pagiging matapang ay hindi nakukuha sa pakikipag basag ulo. Ngayon ay nasa ikatlong baitang na ako at nais kong matapos iyun dahil marami akong natutuhan dun.
Umuwi ako sa bahay, “Miguel, bantayan mo muna si Toni. Pupunta muna ako sa patay, maglalaro lang ako.” Sabi ng aking Mama Inday.
Toni ay siyam na buwan pa lamang, ngunit ako ang naiiwan upang bantayan siya. Ang tatay ko ay buong araw natutulong at sa gabi lamang lumalabas. Kaya lang papalabasin niya muna kami ni Toni ng mga alas-siyete, isasarado nila Mama Inday at Papa Bordado ang buong bahay, papasukin ang mga kaibigan ni Papa. Isang araw, sinilip ko ang ginagawa nila, nakita ko sila, na nagaagawan sa usok. Ano ang meron sa usok? Bakit nila nilalanghap iyon? Bakit nila kami pinalabas? Yan ang mga tanong na hindi ko alam kung paano masagot.
Pinapasok na kami ni Papa Bordado, nakita ko na may mga tinago siyang gamit sa kanyang bag at tinago ito sa kanyang lagayan ng damit. Pinagtataka ko lang, sa aming bahay, hiwalay ang mga damit ni Papa sa aking Mama. At sa lahat ng lagayan ng damit, kay Papa lamang ang nakakandado.
“Ano ang iyong tinitingin-tingin diyan?! Para kang demonyo kung makatingin ah?!” Sabi sa akin ng aking Papa.
Hinawakan niya ako sa aking braso, at sinampal-sampal. Wala akong ginawa pero hindi ko alam kung bakit niya ako sinasaktan.
Dumating si Kuya, “Papa! Huwag mo saktan si Miguel!” Sigaw ni Kuya at binuhat ako palabas ng bahay.
Dinala ako ni Kuya sa tindahan at binilhan ako ng softdrinks at isang biskwit.
“Huwag ka na munang uuwi. Doon ka na lang muna matulog kay Tyang Lusing.” Sabi ni Kuya.
“Kuya, bakit ganun si Papa? Wala naman akong ginawa pero sinaktan niya ako. Tsaka, bakit niya kami pinapalabas ni Toni pag pumapasok ang mga kaibigan niya, bakit ikaw, pwede pumasok?”
“Basta. Wala ka na dapat malaman..Kung ano man ang malalaman mo, huwag ka magagalit sa akin, at sa mga magulang natin. Ipagpatuloy mo ang buhay mo at maging mabuting tao ka. Gawin mo ang gusto ng puso mo, hindi ang dikta sa iyo ng ibang tao.” Sabi ni Kuya.
Tumayo siya at umuwi sa bahay. Hindi nya na ako nilingon, bago pa siya Tumayo ay inabutan niya na muna ako ng bente pesos.
Alam kung may inililihim sa akin ang aking Kuya at aking mga magulang. Hindi ko lang malaman kung ano iyon. Wala akong masabihan sa nararamdaman ko, wala akong tunay na kaibigan na maaari kung lapitan. Sa eskwela, wala akong kaibigan, sinasabi nila na magnanakaw raw ako at ang mga magulang ko ay masasamang tao. Hindi ko sila pinapatulan kasi naniniwala ako na hindi naman iyun totoo. Ako ay Top 1 sa aming paaralan, ngunit kahit ganun ay wala pa rin akong kaibigan. Sabi ni Kuya, ipagpatuloy ko lang raw iyun.
Pinutahan ko si Tiyang Lusing, “Tiyang, maaari po bang dito muna ako matulog? Sabi kasi ni Kuya manatili raw ako dito.” Sabi ko kay Tiyang na nagluluto ng pritong isda.
“Sige, basta ba’y babantayan mo ang aking tindahan hanggang alas-dose ng gabi.”
Tumango lang ako. Si Tiyang Lusing ay kapatid ng aking Mama Inday. Si Tiyang Lusing ay may tatlong anak, si Kuya Jomar na bente kwatro at kaedad ng aking Kuya. Si Kuya Jomar ay isang Manager sa isang restaurant, hindi na iyun nakatira dito. Si Ate Mildred naman ang pangalawa labing-walong taong gulang, nag-aaral sa Maynila at nakatira sa isang Dormitoryo sa UP. Si Kuya Jose na labing-limang taong gulang kasama si Tyong Nilo sa Masbate. Maganda ang buhay ng mga anak ni Tiyang Lusing, pero bakit ganun? Iba ang buhay niya sa buhay namin? Bakit kami? Hindi ko maramdaman ang pagiging pamilya namin.

Buti pa ang kanilang pamilya. Alas-nueve na ng gabi, wala ng masyadong tao. Nakakaramdam na ako ng antok, pero biglang nagising ang aking diwa ng may narinig ako.

"Pu*@^!*@^@ ina mo! Mga wa*&@^! hiya kayo!"

"Papatayin ko kayo! Mga hayup!!" 

Hindi ako nakaramdam ng takot, bakit naman ako matatakot? Para lang naman kaming nanonood ng sine. Oo, sa lugar namin, natural na lang ang pagkakaroon ng away. Nagkakaroon lang naman ng away dito dahil sa mga chismosa.

"Miguel, pumasok ka na. May baril daw si Kanor." Sabi ni Tiyang Lusing.

Si Mang Kanor?! Malamang, nag-away nanaman sila ng kanyang asawa. Si Mang Kanor ay isa sa mga kaibigan ni Papa Bordado. Madalas silang nag-aaway ng asawa niya, meron daw itong kabit.

"Magsara na lang tayo mamaya. Grabe talaga ang mga tao dito, sige na Miguel matulog ka na." Sabi ni Tiyang Lusing.
 

Natulog na lang ako gaya ng sabi niya.


Ilang araw ang nakakalipas, hindi pa umuuwi si Papa Bordado. Sinubukan ko magtanong kay Mama pero hindi niya ako pinapansin. Ang Kuya ko naman ay matagal nang hindi nakakauwi, ano naman kaya ang nang-yari?

"Mama, nasaan ba si Papa?" Tanong ko.
"Wala. May trabaho sa Tarlac, matagal pa yun makakauwi." Sagot niya.

Napapansin ko ang pagkabalisa ng aking Mama, hindi na rin siya nagpupunta sa mga sugalan ngunit lagi siyang wala sa aming bahay. Isang beses na lang tuloy kami nakakakain sa isang araw, hindi na rin ako nakakapasok kasi walang nagbabantay sa aking kapatid.

Hindi ko alam kung ano ang nang-yayari sa amin, pati na rin ang mga kaibigan ng aking Papa ay wala sa lugar namin.

Tatlong araw ang nakalipas, alas-dose na ng gabi. Natutulog na kami ng aking bunsong kapatid ng makarinig ako ng malakas na kalabog, nandiyan na si Papa. Duguan siyang pumasok sa aming bahay. Gusto ko siya lapitan ngunit gusto ko malaman kung bakit duguan si Papa.


"Sinabi ko naman sa iyo! Hindi ka kasi nag-iingat! Nasan na ba si Arnel?" Tanong ni Mama.
"Nandun pa. Ang bagal kasi ng anak mo! Naabutan tuloy kami." Sagot ni Papa.
"Siguradong pupuntahan tayo ng mga pulis dito. Kailangan mo magtago!" Sabi ni Mama.
"Sa bahay ni Kanor, merong taguan dun." Sabi ni Papa.
"Pesteng mga pulis yan!" Galit na sabi ni Mama.


Bakit nagagalit si Mama sa mga pulis? Hindi kaya sila gumagawa ng ilegal?


Pag-gising ko kinaumagahan, "Pag may pupuntang pulis dito sabi mo hindi mo alam kung nasaan ang Papa mo at Kuya mo. Sabihin mo wala kang alam." Sabi ni Mama..


Tumango lang ako. Pumunta ako sa bahay ni Mang Kanor, hinanap ko ang taguan na iyun. Nahanap ko ang taguan na iyun ng marinig ko ang ungol ng aking Papa.


"Aray! Bwiset na mga pulis yan! Gaganti talaga ako! ARay!" Sigaw ng aking Papa.



Sumilip lang ako at may nakita akong puti, mukha itong oxalic. Iyan ba ang tinatawag nilang Shabu?


Ganito ba talaga sa Iskwater? May iskwater bang tahimik? Na walang ilegal na gagawin? Ayaw ko na sa Buhay Iskwater na nararanasan ko. Paano ba ako makakaalis dito?